Madalas, dahil sa sobrang dami ng iyong ginagawa, dumarating talaga ang pagkakataong tatamaan ka ng katamaran o sa sobrang daming puwedeng gawin, hindi mo namamalayang dahan-dahan ka nang tinatamad sa mga bagay na nasimulan mo. Masasabing ningas-cogon nga isang tao kung ito’y sa umpisa lang ganado sa kanyang gawain. E paano kung dahil sa sobrang dami niyang gawain e lahat naumpisahan niya pero dahil sa pagkalito, hindi niya matapos-tapos ang isa? Masasabi mo bang ningas-cogon din ang taong ito?
Ang taong ganito ay sikat sa tawag na "Jack of all trades, master of none." Jack of all trades, master of none is a figure of speech, describing a person who is passably competent with many skills but is not outstandingly brilliant with any one particular skill. Ang totoo ay gusto niyang gawin ang lahat ng mga bagay na puwede niyang gawin, dumarating nga lang ang mga pagkakataong nagtatalo-talo ang mga hilig niya sa kanyang sarili na sa kalaunan ay nagiging dahilan para di matapos o mapaghusay ang isa sa mga bagay na ito. Kumbaga, sinalihan niya lahat ng sports event pero laging 3rd place lang ang nararating niya. Sa tingin niyo ba may pag-asang umunlad ang mga taong ganito?
Sa totoo lang, para sa akin, dapat maging jack of all trades ang mga tao kaysa maging isang ningas-cogon na talagang sa umpisa lang lumalabas ang husay. Jack of all trades dahil hindi mo kailangang maging mahusay o magpokus lang sa isang bagay. Dapat alam mo lahat, hindi ka man mahusay doon pero hindi ka maiiwan kung sakaling nag-iba ang ihip ng mundo. Ganito lang kasimple kung bakit mas maganda ang maging jack of all trades: Dahil bilog ang mundo, dapat marunong kang makigulong dito. Magaling ka ngang bumalanse sa itaas nito ngunit ang bilog ay gumugulong at maaari kang ilaglag nito kahit anong oras sa kanyang paggulong.
Naisulat ko ‘to dahil sa sitwasyon ko ngayon sa kasalukuyan. Sa sobrang dami ng nais kong gawin, nagpapatong-patong na sila sa utak na sa kalaunan ay kailangan ko nang bitawan silang lahat. Marahil, mali ang ganoon gawain. Ngunit para sa akin, kailangan mo talagang itapon lahat ito at pagkatapos, isa-isa mong pulutin at dalhin. Maghihintay ang ibang naiwan kung saan mo sila itinapon. Tiyak, ang pagiging Jack mo ay hindi lang mapupunta sa pagiging ikatlo o ikalawa. May mga pagkakataon talagang may dapat ka munang ipagpahinga para maipagpatuloy mo ang ibang mga bagay.
O kung gusto mong mas umangat, ang Jack ay hindi lang dapat nakukuntento sa pag-abot sa pagiging Queen, King, o Alas. Mangarap dapat siyang maging isang Joker, dahil iyon ang nararapat para makontrol niya ang lahat ng mga bagay na inaako niya. Matutong i-juggle ang iyong mga hilig, o tulad nga ng sinabi ko kanina, matutong magpagulong kasabay ng pag-ikot ng bola.
Bilang taong nagpapaka-Jack of all trades, dapat talagang matuto bilang Joker. Tawa lang sa kabila ng napakaraming dalang bagahe.
Jornal entri para sa Hunyo at Hulyo (Halata bang napakarami kong pinagkakaabalahan kaya na-late ang pagpost nito?) ^^